Tuwing gumigising ako sa umaga may nakahanda ng taho sa
mesa. Yung taho na yun hindi basta basta, espesyal na taho yun. Madaming
arnibal at maliliit na sago. Alam nya kasi na yun ang paborito ko.
May naririnig na naman akong nagsasalita ng punyeta.. putangina at kung anu-ano pa, kaya imbis na matutulog pa ko kelangan ko ng dumilat gising na gising na kasi ang diwa ko. Ang hirap naman pag may putak ng putak at ngak ngak ng ngak ngak! Punyetang buhay to ang ingay ingay na naman ng mundo! Teka, nakalimutan ko may taho pa pala ko. Kakain lang ako.
Natatae na tuloy ako... asan na bang yosi ko? Alam nyo kasi hirap akong tumae pag walang sigarilyo kaya kelangan ko yun sa buhay ko. Naalala ko nung una kong nahuli na naninigarilyo, naamoy ako sa kwarto, natakot ako kala ko pagagalitan nya ko pero hindi, handa pa naman akong pasabugin ang tenga ko sa salitang tarantado. Pero wala eh, kung kelan handa ko sa pagputak ng demonyo saka pa naging tahimik ang mundo.
Oo, tama. Bumibisyo ko. Naalala ko nung kinse anyos ako sabi ko magpapainom ako sa birthday ko, sabay tawa ko, joke lang kako. Pero biglang sabi nya.. "ilang case ba kukunin ko?" Astig talaga ng demonyo. Tama ba na demonyo nababasa nyo? Oo, tawag namin sa kanya yun.. sige para di masyadong garapal mga sister, gawin na lang natin na monster.
Isa siyang halimaw sa paningin ko daig nya pa si the hulk kung mag transform tuwing may cuervo, siga ng kanto daig pang taga-tondo! Oo hayup sa pagkasiga, alam nyo bang nahampas siya ng tubo. Eh pano, nanigaw ng tambay na basketbolero kaya ayun hahampasin sa ulo, buti na lang nasangga ng kamao, bakal tuloy ang loob ng braso pamalit sa buto.
Astig talaga ng gago, biruin nyo bang ilang beses na siyang nakahawak ng rehas, Oo rehas, sa likod ng rehas kasama ang mga sanggano. Nung bata kasi ko may gustong umagaw ng bike ko, paborito ko yun, kumikislap ang mata ko pag nakasakay ako dun kaya alam nyang iiyak ako pag kinuha yun. Kaya yun.. binugbog sarado nakakuha ng kutsilyo, umagos ang dugo. Paggising ko andun pa din ang bike ko pero ang demonyo, kalaboso. Ang tindi nun, gago talaga ayaw nya kasing ibigay laruan ko. Gusto nya masaya ko.
Punyeta! Hindi lang yun ah! Naranasan nyo na bang magtago sa kahon? Oo sa kahon, tuwing nagkakasarapan kasi ang kwentuhan nila ni San miguel at nung pulang kabayo, naku! Mabubulahaw na naman kahit tulog na aso. Pag nakikita kasi ako, ilang putangina ang naririnig ng tenga ko kaya nagtatago na lang ako. Sabi ko tibayan lang ng eardrum to, ilang oras lang naman ang titiisin ko sa dilim, makakalabas din ako pag humampas na ang pinto. Hudyat na kasi yun na tapos na ang ingay ng impyerno. Ilang puta ang naririnig ko kahit sino tingin nya puta kahit nanay ko.. puta.. putangina.
Siraulo ng loko mahilig gumawa ng kwento, kaya nga nilayasan namin ng madaming beses, eh pano, puro imbento. Pero seryoso, minsan naiisip ko, mawala na siya sa buhay ko pero naalala ko ang araw araw kong pandesal at taho.
Alam nyo bang may tato (Tattoo) ako? Oo, maiba ko. Hindi sa nagkukupal lang ako, may dahilan bakit ako nagpa-tato pero di ko na kukwento hindi naman ako ang bida dito, tago ako ng tago alam kong patay na naman ako neto kababae kong tao dinudumihan kong balat ko pero wala eh, sadyang gusto ko. Pagkalabas ko ng kwarto, nakita nyang tato ko, tindi ng kaba ko baka maupakan ako pero sabi nya lang, "ayos ah! tago mo yan baka makita ng mama mo." Jusko! Lusot na naman ako. Pwera biro, kinabahan ako. Hindi man lang ako dinuro. Alam nya kasi simula't sapul may pagka-buang ako.
Nung grumaduate ako ng elementary, niyakap nya ko. May honor kasi ko, talino ko no? Pinagyabang nya pa yun sa kapitbahay na lagi nya Inaaway. Yun ang unang beses na niyakap nya ko nung nagkaisip na ko.
Proud na proud siya sa talino ko, ginawa ko yun kasi kala ko pag pinagbuti ko sa eskwela baka sakaling magbago, eh wala sadyang kakambal nya na maging gago. Pero di ako sumuko, nag-aral pa din ako ng todo hanggang makapagtrabaho pero may pagkakataon na tinamad na tuloy ako. Pero hindi pa din nya ko hinamak at inabuso, minahal nya ko ng buong buo.
Andami ko pa sanang gustong ikwento, lagi nya kong inaasikaso, hinahanda ang baon ko, pati na din pagbibigay ng konting luho ko, binilhan nya ko ng pinaka una kong cellphone, naghunger strike kasi ko, ayun epektib ang pag-iinarte ko. Ayaw niyang magutom ako.
Pumulot pa yun ng pusa sa poste ng meralco, alam niya kasing sila ang gusto kong kalaro kahit na ayaw nya ito. Pati ang aso naming si Piolo ginawa niyang parang kapatid ko.
Hindi pa din siya nagbabago, napakadaming putangina pa din naririnig ko tuwing iinit ang kanyang ulo, nag-iimbento pa din sya ng kuwento sanhi siguro ng mga itim na anghel na bumubulong sa kanyang ulo. Pero kahit ganun, iba pa din ang pagmamahal nya sa akin, ang kanyang bunso.
Teka ubos ng taho at yosi ko gusto ko pa sana magkwento. Siya nga pala di ko pa pinakilala yung gago, si Mariano - tatay ko.
-----------------------------------------------------------------------------------------------------
Na-stroke siya. Nawala ang memory nya pagkatapos naming magtalo, hindi na nya alam kahit ang pangalan niya. Nasa ospital ako ngayon habang sinusulat ko ito, kaharap siya habang tulala siya sa kawalan. Minumura ko at tinutulak.
Papa, bumalik ka na miss ko ng marinig ang lambing mo. Tuturuan pa kitang magtext gamit ang bigay kong iPhone mo. Sisipain mo pang mga pusa ko. Ihahanda mo pa ang baon ko. Pagsasabihan mo pa ko umuwi ng maaga pagkagaling ko sa trabaho. Sino ng mag-uuwi ng pasalubong na prutas tuwing galing ka ng Quiapo? Karamihan sa pagka-gago mo kasi prinotektahan mo ko, karamihan sa pagka-gago mo dahilan ng masaklap na buhay mo ng namatay ang magulang mo sa murang edad mo. Naiintindihan ko. Kahit hindi nila maintindihan, kahit ubod ng sama ang tingin nila sayo, ama kita, mahal kita.
Hindi ko alam hanggang kelan babalik memorya mo, mas masakit pa to kesa sa mabaldado. Mahirap maghintay kung kelan mo ulit sasambitin ang salitang "Anak, nagluto na ko. Kain na tayo."
Mahalin ninyo ang inyong ama. Siya ang unang lalaking naringgan mo ng mura - putangina, punyeta, tarantado at gago. Ngunit siya din ang unang lalaking nagmahal sa iyo. Kahit gaano kahirap, kahit gaano pa siya ka-sama, kahit masakit, konting tiis lang. Huwag kang sumuko sa kanya. Darating ang panahon na makakalimutan nya lahat at maglalaho ito na parang bula.


No comments:
Post a Comment