Pero kahit ayaw mo pa bumangon, kelangan mong buhatin ang katawan mo paangat ng kama kasi kelangan mong huwag um-absent, dahil kung hindi, kakaltasan ka na naman sa sweldo, eh sa dami ng kinakaltas na SSS, Pag-Ibig, Tax at kung anu-ano pa baka hindi mo na mabili ang sapatos na ilang araw mo ng minamata sa eskaparante ng paborito mong mall dahil may pupuntahan kang reunion at kelangan mong bumongga kasi paparty kayo.
Pwede ring maputulan ka ng postpaid line sa mamahalin mong cellphone galing sa paborito mong cellular network kasi di mo pa mabayaran pag umabsent ka, eh wala ka namang masyadong tinetext or tinatawagan kundi nanay mo para sabihing gagabihin ka o tanungin siya kung anong ulam pag-uwi mo ng bahay, lagi mo nilalabas ang mamahalin mong cellphone para mag-picture pang-post mo sa instagram, chumika sa buhay ng mga kakilala mo sa facebook at maglaro ng candy crush. Di ba kaya nga naimbento ang cellphone para sa komunikasyon? Iba na pala siya ngayon.
Baka hindi mo mabili ang gusto mong shade ng lipstick sa “mac” or “nars” kahit may kaparehas na shade na mas mura naman sa “maybelline” or “ever bilena” na bagay din naman sa iyo, gusto mo kasi mamahalin para hindi agad mabura pag uminom ka ng softdrinks o pag may makakita ng make-up kit mo eh mamahalin ang mga pang-kolorete mo na tiyak hihiramin ng mga kaibigan mo pag nag-cr kayo, pag umabsent ka baka di mo pa mabili, huli ka na naman sa uso.
Ang hirap umabsent di ba, andami mo kasing bibilhin para sa sarili mo. Sasayangin mo lang yung pagda-diet mo araw araw tuwing lunch break sa opisina dahil nag-iipon ka ng pambili ng kung anu-ano. Kaya kahit tinatamad ka dahil ang sarap ng higa mo sa “fur-coated” mong kama kahit naka-electric fan ka lang naman at wala kang air-con eh babangon ka na lang. Sasabihin mo sa sarili mo, “sige na nga, baka maliit na naman swelduhin ko sa katapusan!” Ang hirap nga naman ng buhay mo.
Sa dami ng mga abubut na balak mong bilhin sa pera mo, eh isang malaking pagkakamali ang makaltasan ka sa sahod mo. Baka di mo pa mabilhan ng pagkain ang shitzu mong may pangalan na sosyal or mabilhan ng bago nyang chain. Bumili ka ng aso kasi naiinggit ka lang sa kaibigan mo kasi niregaluhan ng boyfriend nya kaya kahit hindi ka naman talaga pet-lover, pumunta ka ng pet shop para bumili, hindi ka tuloy nakapaghanda sa birthday mo. Sabi mo pa “Hindi bale, may next time pa naman atleast meron nakong imported dog! Tiisin ko na lang ang balahibo nya kahit nababahing ako.” Kawawa naman yung aso, hindi ba dapat inaalagaan siya at minamahal hindi ginagawang laruan at pang display sa mga larawan? Sabagay, ganun na nga siguro para sa iba.
Nakalimutan ko din pa lang itanong, ilan ba kayong magkakapatid? Ikaw ba yung tipong 4 pataas yung mas bata pa sayo na nag aaral sa public school at laging masakit ang paa kasi hindi mapalitan ang butas na swelas ng kanilang sapatos? Ikaw ba yung may nanay at tatay na nagtatrabaho pa din kahit senior citizens na at laging nagpapa-pasaload mula sa mamahalin mong cellphone kasi kahit 20 pesos na pangload wala sila dahil magbabayad pa sila ng kuryente, tubig at panggastos nyo para sa araw araw na pagkain at baon ng mga kapatid mo sa eskwela.
Ikaw din ba yung may nanay na tanging pulbos lang ang nilalagay sa mukha tuwing may dadaluhan na PTA meeting ng mga kapatid mo kasi wala siyang pambili o pang-utang man lang ng lipstick sa “avon”, samantalang ikaw, paiba-iba yung shade ng bibig mong pino-post mo sa instagram.
Baka ikaw din yung may bahay na may isang dipa lang ang laki kaya masikip, kahit dumudumi na kung san-san at nagkakalat ang alaga mong shitzu at nangangamoy aso na sa loob ng bahay eh balewala lang sayo. Kawawa naman yung aso pati na din bahay nyo. Kaw din siguro yung may magandang kwarto, makulay, puro unan samantalang ang nanay at tatay mo natutulog sa kahoy nyong upuan sa labas.
Teka nga pala, ano nga pa lang trabaho mo? San ka ba papasok? Siguro malaking kumpanya yan at malaki ang sweldo mo para mabili mo lahat ng yun at makapagpundar ka ng gamit para sa sarili mo. Hindi ka na nga halos nagbibigay ng pera sa magulang mo kasi kulang pa yun para sayo. Nakakapag ipon ka ba?
Ano bang saysay ng paggising mo kada umaga? Ano bang kinapupuntahan ng bawat sentimong kinikita mo? Para ba sa ikakatulong ng buong pamilya mo o sa kung anong posisyon sa lipunan ang pinapamukha mo.
Oh baka ma-late ka na, pumasok ka na baka mabawasan pa sweldo mo.
No comments:
Post a Comment